Mark 14:32-42

Nanalangin si Jesus sa Getsemane

(Mat. 26:36-46; Luc. 22:39-46)

32Pagkatapos, pumunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi ni Jesus sa kanila, “Maupo kayo rito habang nananalangin ako.” 33Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan sa di-kalayuan. Balisang-balisa at nababahala si Jesus. 34Sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 35Lumayo siya nang kaunti, lumuhod sa lupa at nanalangin na kung maaari ay huwag na niyang danasin ang paghihirap na kanyang haharapin. 36Sinabi niya, “Ama, magagawa nʼyo ang lahat ng bagay. Kung maaari, ilayo nʼyo sa akin ang mga paghihirap na darating.
ang mga paghihirap na darating: sa literal, ang kopang ito.
Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”

37Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagpuyat kahit isang oras lang?” 38At sinabi niya sa kanila, “Magpuyat kayo at manalangin para hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”
Ang espiritu ay handang sumunod, ngunit mahina ang laman: Maaaring ang ibig sabihin nito ay gusto ng kanilang espiritu na magpuyat at manalangin, kaya lang ay hindi kaya ng kanilang katawan.


39Muling lumayo si Jesus at nanalangin. Ganoon pa rin ang kanyang dalangin. 40Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila. At nang gisingin sila ni Jesus, nahiya sila at hindi nila alam kung ano ang sasabihin nila kay Jesus. 41Sa ikatlong pagbalik ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na iyan! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. 42Tayo na! Narito na ang nagtatraydor sa akin.”

Copyright information for TglASD